TRAHEDYA NG ISANG BIRHEN by Genevieve Asenjo

TRAHEDYA NG ISANG BIRHEN
by Genevieve Asenjo

walang dugong
umagos sa aking
mga hita sa unang gabi
ng kanyang paglusob.

umalingawngaw sabay
sa kanyang paglusong-
ahon ang mga hiyaw
ko’t daing: sakit, hapdi,
pamamaga
ngunit nilunod ng kanyang
pagdududa ang kabanalan
ng aking kawalang-malay,
ala-Othello siyang naging taga-
hukom ng aking pagkababae:
birhen o puta?

walang dugong
umagos mula
sa aking hita.
lumabas ito sa bunganga
ko’t sumalo sa nanunuyong
mga pawis at luha.

©2000 by Genevieve Asenjo

First appeared in the October 16, 2000 issue of Mirror Weekly Magazine